Ano ang Proposisyon 218
Espanyol | 中文 | Pilipino | Tiếng Việt | عربي | Pусский | Samoano
Ang Proposisyon 218 ay isang susog sa Konstitusyon ng California na nag-aatas sa mga ahensya ng gobyerno at mga utility na ipaalam sa mga may-ari ng ari-arian ang mga iminungkahing pagbabago sa mga singil para sa mga serbisyo. Isang nakasulat na abiso ang dapat ipadala sa mga may-ari ng ari-arian 45 araw bago ang isang nakatakdang pampublikong pagdinig tungkol sa mga iminungkahing pagbabago. Ipinadala ng SFPUC sa lahat ng aming mga rehistradong may-ari ng ari-arian ang isang Paunawa ng Proposisyon 218 upang ipaalam na isang pampublikong pagpupulong ang gaganapin sa Abril 28, 2026 tungkol sa iminungkahing pagtaas ng singil sa tubig at alkantarilya para sa mga taong piskal na magtatapos sa 2027-2028.
Ang aming mga singil ay sumasalamin sa tunay na gastos ng pagpapatakbo, pagpapanatili, at pag-upgrade ng mga sistema ng tubig at alkantarilya ng San Francisco. Upang patuloy na maihatid ang mga serbisyong inaasahan ng mga taga-San Francisco, iminumungkahi ng SFPUC na magpakilala ng isang bagong istruktura ng singil sa tubig at alkantarilya para sa mga taon ng pananalapi na magtatapos sa 2027-2028. Ang mga iminungkahing bagong singil ay kumakatawan sa pinagsamang buwanang pagtaas ng singil para sa karaniwang residential household sa San Francisco na $21 at $23 sa mga taon ng pananalapi na 2027 at 2028 ayon sa pagkakabanggit. Ang mga pagtaas na iyon ay humigit-kumulang 12.6% at 12.5% bawat taon. Kung maaprubahan, ang mga pagtaas ng singil ay magiging epektibo sa Hulyo 1, 2026. Kahit na may iminungkahing pagtaas ng singil, ang singil sa tubig at alkantarilya ng karaniwang customer sa San Francisco ay mas mababa pa rin kaysa sa kasalukuyang mga singil sa Los Angeles at Santa Clara at bahagyang mas mataas kaysa sa Oakland at San Jose.
Basahin ang Pampublikong Abiso sa Wikang English, Spanish, Chinese, o Filipino.
Mga Pamamaraan sa Pampublikong Pagdinig, Protesta at Pagtutol
Paunawa ng Pampublikong Pagdinig sa Iminungkahing Singil ng Tubig at Alkantarilya
Sa Martes, Abril 28, 2026, sa regular na pagpupulong ng Komisyon ng mga Pampublikong Utilidad ng San Francisco o San Francisco Public Utilities Commission (Komisyon) na magsisimula sa ganap na 1:30 pm, magdaraos ang Komisyon ng pampublikong pagdinig hinggil sa mga iminumungkahing pagbabago sa mga singil sa tubig at alkantarilya sa San Francisco City Hall, Room 400, 1 Dr. Carlton B. Goodlett Place, San Francisco, California, 94102.
Komento at Pakikibahagi ng Publiko: Diringgin ng Komisyon ng SFPUC ang mga pasalitang komento at isasaalang-alang ang lahat ng Protesta at Pagtutol na isinumite sa ilalim ng mga Pamamaraan sa Protesta at Hiwalay na Pamamaraan ng Paggamit ng Lahat ng Administratibong Remedyo sa pagdinig. Bukod dito, diringgin ng Komisyon ang mga sagot ng mga kawani sa mga Pagtutol sa pampublikong pagdinig. Ang mga pasalitang komento sa pampublikong pagdinig ay irerekord sa pampublikong rekord ng pagdinig ngunit hindi ibibilang bilang Protesta o Pagtutol. Ang mga nakasulat na Protesta at nakasulat na Pagtutol lamang ang ibibilang bilang mga pormal na Protesta sa ilalim ng Proposisyon 218. Sa pagtatapos ng pampublikong pagdinig, isasaalang-alang ng Komisyon ang pagpapatibay ng mga iminumungkahing pagtataas ng singil sa tubig at alkantarilya na inilalarawan sa paunawang ito. Maaaring magpataw ang Komisyon ng mga iminumungkahing singil kung ang mga napapanahong nakasulat na Protesta ay hindi isinumite ng mga may-ari ng ari-arian o customer na nasa rekord sa ngalan ng karamihan ng mga parselang apektado ng mga iminumungkahing pagbabago.
Pamamaraan ng Pagprotesta (Saligang Batas ng California, artikulo XIII D, § 6(a)): Ang may-aring nasa rekord ng anumang parsela kung saan iminumungkahing ipataw ang mga singil sa tubig at alkantarilya, o customer na nasa rekord na hindi may-ari ng ari-arian (hal., nangungupahan), ay maaaring magsumite ng nakasulat na Protesta sa isa o higit pang mga iminumungkahing pagbabago sa singil (“Protesta”); gayunpaman, isang Protesta lamang ang ibibilang sa bawat tinukoy na parsela. Ang anumang nakasulat na Protesta ay kailangang: (1) isaad na ang tinukoy na may-ari ng ari-arian o customer ay tutol na iminumungkahing pagtataas ng singil; (2) ibigay ang lokasyon ng tinukoy na parsela (sa pamamagitan ng numero ng parsela ng assessor, address ng kalye, o account ng customer); at (3) isama ang pangalan at lagda ng taong nagsusumite ng Protesta. Kung pinoprotesta ng panig ang isa o higit pang mga iminumungkahing pagbabago sa singil, dapat tukuyin ng panig ang antas o mga antas na ipinoprotesta. Bagaman hindi magiging kwalipikado ang mga pasalitang komento sa pampublikong pagdinig bilang pormal na Protesta maliban kung sinamahan ng nakasulat na Protesta, tinatanggap ng SFPUC ang opinyon mula sa komunidad sa oras ng pampublikong pagdinig tungkol sa mga iminumungkahing singil sa tubig at alkantarilya. Ang lahat ng Protesta ay kailangang matanggap ng SFPUC bago ang pagtatapos ng bahagi ng pampublikong komento ng pampublikong pagdinig sa Abril 28, 2026.
Hiwalay na Pamamaraan ng Paggamit ng Lahat ng Administratibong Remedyo
(Kodigo ng Gobyerno § 53759.1): Ang may-aring nasa rekord ng anumang parsela kung saan iminumungkahing ipataw ang mga singil sa tubig at alkantarilya, o customer na nasa rekord na hindi may-ari ng ari-arian (hal., nangungupahan), ay maaaring magsumite ng nakasulat na Pagtutol (“Pagtutol”) sa Komisyon.
Ang Anumang Pagtutol ay kailangang: (1) isaad ang partikular na pagbabago sa singil para kung saan isinusumite ang Pagtutol; (2) ibigay ang lokasyon ng tinukoy na parsela (sa pamamagitan ng numero ng account ng customer, address ng kalye, o numero ng parsela ng assessor); at (3) isama ang pangalan ng panig na nagsusumite ng Pagtutol; (4) isaad na Pagtutol ang isinusumite; at (5) tukuyin ang mga batayan sa pagsasaad diumano ng hindi pagsunod ng SFPUC sa Proposisyon 218. Mangyaring tandaan na ang mga partikular na batayan ay kailangang sapat ang detalye upang magbigay-daan sa SFPUC na matukoy kung maaaring kailanganin ang mga pagbabago sa iminumungkahing pagbabago sa singil. Sa pamamagitan ng halimbawa, hindi sapat ang Pagtutol na nagsasaad na ang iminumungkahing pagbabago sa singil ay lumalabag sa Proposisyon 218, nang hindi nagbibigay ng detalye na nagpapaliwanag ng batayan para sa pagpapahayag na ito. Ang mga Pagtutol ay kailangang matanggap sa pamamagitan ng koreo o personal na ihatid nang hindi lalampas ng 4:30 pm Pacific Time sa Huwebes, Abril 2, 2026. Ang hindi pagsusumite sa oras ng Pagtutol ay pagbabawalan ng anumang karapatan na kuwestiyunin ang bayad o singil sa pamamagitan ng legal na paglilitis. Ang lahat ng Pagtutol na natanggap sa oras ay ibibilang din bilang Protesta. Ang anumang Pagtutol na natanggap pagkatapos ng 4:30 pm sa Huwebes, Abril 2, 2026 at bago ag pagsasara ng bahagi ng pampublikong komento ng pampublikong pagdinig ay isasaalang-alang lamang at ibibilang bilang Protesta at hindi Pagtutol.
Ang mga Pagtutol at Protesta ay maaaring ipadala sa:
SFPUC, ATTN: Director of Commission Affairs,
525 Golden Gate Avenue, 13th Floor,
San Francisco, CA 94102.
Maaari ring ipadala nang mano-mano ang mga pagtutol sa Customer Service Bureau sa 525 Golden Gate Avenue, 1st Floor, Lunes hanggang Biyernes, 9:00 am hanggang 4:30 pm, maliban sa mga legal na pista opisyal. Ang mga pagtutol na ipinadala nang mano-mano ay dapat ideposito sa kahon na may label na “2026 Water and Sewer Rate Written Objections Only.”
Maaari ring personal na ihatid ang mga protesta sa Director of Commission Affairs sa panahon ng seksyon ng mga pampublikong komento ng pagdinig sa singil.
Ang mga Pagtutol o Protesta na isinumite sa pamamagitan ng email, fax, o iba pang mga pamamaraan na hindi nabanggit sa itaas ay hindi tatanggapin bilang Pagtutol o Protesta. Sa pampublikong pagdinig nito noong Abril 28, 2026, isasaalang-alang ng Komisyon ng SFPUC ang lahat ng isinumite sa oras na Pagtutol at mga sagot ng SFPUC.
Para sa mga tanong, mag-email sa ratesinfo@sfwater.org.