Gabay sa Pasilidad
Maligayang pagdating sa bagong Southeast Community Center sa 1550 Evans! Umaasa kaming mae-enjoy ninyo ang tour ng makasaysayang landmark na ito ng komunidad. Gamitin ang maikling gabay na ito para matuto pa tungkol sa kung ano ang maiaalok ng bagong center.
Background
Ang bagong Southeast Community Center (SECC) sa 1550 Evans Avenue ay isang sentro para ang lokal na komunidad ay makapagtipon, matuto, maglaro, at lumago. Ang pagtutulungang ito sa pagitan ng mga komunidad sa timog-silangan ng San Francisco at ng Komisyon ng Pampublikong Kagamitan ng San Francsico ay idinisenyo para isulong ang kalusugan, kapakanan, kultura, edukasyon, at pananalapi ng mga residente ng timog-silangan. Ang SECC ay isang state-of-the-art, 40,000 square foot, tatlong palapag, at gold LEED na gusaling may dalawang acre na bukas na espasyo. Mayroon itong:
- Magandang lugar at amphitheater para sa mga event na pangkomunidad
- On-site na cafe
- Libreng Wi-Fi at mga lugar pampubliko kung saan puwedeng magtrabaho
- Mga nonprofit na katuwang na samahan na maglilingkod sa komunidad
- Mga lugar na makakalikasan para sa pagtitipon, paglalaro, at ehersisyo
- $1M na halaga ng sining na kinomisyon mula sa mga lokal na artist
- Accessible na transportasyon at onsite na paradahan
Unang Palapag
Mayroong café na pinatatakbo ng Hungry Kitchens, na nag-aalok ng masusustansya at masasarap na pagkain at inumin na mae-enjoy ng komunidad. May mga mauupuan din sa loob at labas para sa mga bisita. May bukas at kasiya-siyang espasyo ang unang palapag kung saan makakapagtipon ang mga miyembro ng komunidad at mae-enjoy nila ang bagong center. Nakalaan ang kalahati ng unang palapag sa Wu Yee childcare center, na kayang maglingkod sa 68 bata.
Pangalawang Palapag
Sa pangalawang palapag magaganap ang karamihan sa mga programa sa bagong center. Pag-akyat sa hagdan, may mas malawak pang espasyo sa inyong kanan kung saan makakapagtipon at makakapagtrabaho ang mga miyembro ng komunidad. May mga karagdagang mesa at saksakan para makapag-charge ng inyong mga electronic na device. Mayroon ding maker’s classroom sa lugar na ito. Sa dulo ng pasilyo, makikita ninyo ang aming mga multipurpose na silid. Ang mga ito ay puwedeng gawing isang malaking silid o tatlong mas maliliit na silid na perpekto para sa mga workshop at mga aktibidad na pang-seminar. May mga AV equipment, upuan, at mesa ang bawat silid. Ang artwork sa labas ng pasilyong ito ay pinamagatang “Building a Better Bayview” ni Phillip Hua. Ginugunita ng three-dimensional na mural na collage ng larawan na ito ang anim na tagapagtatag ng komunidad ng Southeast Community Center. Ang sining sa kahabaan ng pasilyo ay nagmula lahat sa mga lokal na artist.
Pangatlong Palapag
Sa pangatlong palapag matatagpuan ang mga non-profit na organisasyong magpapatakbo nang onsite. Nagpaplano kaming magkaroon ng iba't ibang organisasyong nagbibigay ng mga serbisyong naaayon sa adhikain at layunin ng Southeast Community Center. Nagpaplano kaming magkaroon ng dalawang uri ng mga katuwang sa espasyong ito; ang mga anchor tenant ay mas malalaking organisasyon, habang ang mga tenant ng sentro ng komunidad ay mas maliliit na organisasyong uupa sa mga workstation. Titiyakin ng kumbinasyong ito na mayroong malalaki at maliliit na organisasyon sa community center. Magkakaroon ng access ang lahat ng tenant sa mga silid-aralan at espasyo para sa pagpupulong sa pangatlong palapag. Ang sining sa kahabaan ng pasilyo ay nagmula lahat sa mga lokal na artist.
Artwork
Ang Southeast Community Center ay may mahigit 30 piraso ng sining na ginawa lahat ng mga lokal na artist na miyembro ng Bayview Artist Registry. Nakipagtulungan nang mabuti ang mga tauhan ng Komisyon ng Pampublikong Kagamitan ng San Francisco sa Komisyon ng Sining ng San Francisco sa pagpili ng artwork na itinatampok sa community center. Binili ang artwork gamit ang mga pondong nakalap mula sa pagpapatayo ng Southeast Community Center sa pamamagitan ng Ordinansa para sa Pagpapayaman ng Sining.
Iba pang lugar na dapat bisitahin:
Alex Pitcher Room
Magsisilbing pangunahing lugar ang Alex Pitcher Room para sa bagong center. Ang bagong lugar na ito ay may tanghalan, projector, at komersyal na kusina. Magagamit ng mga miyembro ng komunidad ang espasyong ito para mag-host ng iba't ibang event tulad ng mga pagdiriwang ng kaarawan, reception ng kasal, at pagpupulong ng komunidad. Isasagawa rin dito ang mga pagpupulong ng Southeast Community Facility Commission. Ang artwork sa silid na ito ay pinamagatang “Navigating the Historical Present: Bayview-Hunters Point” ni Kenyatta A. C. Hinkle. Kasama sa piyesang ito ang mga larawan mula sa mga miyembro ng komunidad at Shades of Bayview Archive.
Labas
May ilang outdoor amenity na mararanasan ng mga miyembro ng komunidad sa bagong community center. May outdoor na tanghalang matatagpuan sa tabi ng Alex Pitcher room. May sports lawn kung saan makakalahok ang mga miyembro ng komunidad sa mga aktibidad para sa fitness. May ilang dining area sa lahat ng daan sa hardin na may kasamang barbeque pit at malalaking swinging bench. Mayroon ding natural na palaruang may padulasan, mga troso, at malalaking batong mae-enjoy ng mga bata. Ang malaking iskultura sa harap ng center ay pinamagatang “Promissory Notes” ni Mildred Howard. Hango ang gawang ito sa Ivory Coast currency—na tradisyonal na isinusuot bilang mga bracelet o anklet—para gunitain ang mga ambag ng African American na komunidad sa kapitbahayan ng Bayview-Hunters Point.